Ang BAYANAN : Tanato Elementary School Publication


Balunan, Wagi sa Search for A1 Child 2019
Ni : Ezra Gwen R. Atienza

Hulyo 26, 2019—Tinanggap ni Deoliza Marie M. Balunan, batang mag - aaral sa Tanato Elementary School na nasa Ikatlong Baitang ang kanyang sertipiko bilang 1st Placer sa naganap na paligsahan sa A – 1 Child sa pagdiriwang ng Kalusugan sa Department of Education One Health Week na sinanay ng kanyang gurong  si Gng. Luningning E. Ruiz.

Ito ay nilahukan ng lahat ng mga mag - aaral na nasa ikatlong baitang sa buong dibisyon ng Balanga. Layunin ng nasabing programa na mapili ng mga hurado ang mga batang magpapakita ng angking kalusugan hindi lamang ng katawan bagkus lalo na ng kaisipan.

Nagkaroon din ng mga food exhibit ang bawat paaralan. Abot ang ngiti ng mga nagsilahok sa munting programang ito dahil sa mga masasarap na mga pagkaing nakalatag sa mga mesa ng bawat booth. Lasap nila ang sarap at linamnam na pwedeng - pwedeng ihain sa hapag kainan.
 
Ang nasabing kumpetisyon ay masayang ginanap sa Cupang Elementary School sa pangunguna ng ating masipag na Division Nurse na si Maria Joby Zulueta.


PAGKAKAISA AT PAGTUTULUNGAN, 
NAIPAMALAS SA BRIGADA ESKWELA
Ni : Jamica C. Bunio

    
    Sa pagsisimula ng taong panuruan 2019 - 2020, upang mas maihanda ang mga paaralan sa panibagong taon ng pag - aaral ng ating mga mag - aaral, ang taunang pagsasagawa ng “Brigada Eskwela” sa Lungsod ng Balanga ay isinagawa ng DepEd Schools Division of City of Balanga noong Mayo 20 - 25, 2019. Ito ay nilahukan ng mga guro, mga magulang, mga mag - aaral at mga kaagapay na mga stakeholders ng bawat paaralan sa lungsod.

        Bilang pagtugon sa nasabing programa ay sinimulan ng Paaralang Elementarya ng Tanato ang isang linggong paghahanda, paglilinis at pagsasaayos ng mga silid - aralan at iba pang mga gusali ng paaralan, gayudin ang buong kapaligiran ng paaralan upang matiyak ang kalinisan at kaayusan ng mga ito, at upang lalo pa itong mas maging kaiga - igaya sa bawat mag - aaral, guro at mga magulang na gagamit at bibisita sa paaralan.

        Nagsagawa rin ng mga seminar ang paaralan para sa mga lumahok sa Brigada Eskwela sa bawat araw ng programa. Ilan sa mga seminar na nabanggit ay tumatalakay sa kalusugan ng mga mag - aaral,tamang pagpapalaki at paggabay sa mga anak, paghahanda sa tuwing may mga sakuna na magaganap sa paaralan at “Child Protection Policy”.

        Matapos ang isang linggong gawain ay isang malinis, maayos at ligtas na paaralan ang sama - samang naihanda upang maghatid ng mga ngiti at kaaalaman sa ating mga mag-aaral.



BALIK ESKWELA, IDINAOS
Ni : Princess Nathalie A. Alcazar

    
    “Tapos na naman ang bakasyon, heto na ulit ang pasukan”. Eto ang karaniwan nating maririnig sa mga bata at magulang,ganun din sa mga guro kapag mag-uumpisa na ang pagbubukas ng klase sa eskwela. Masaya ang lahat dahil muli ay mayroon na namang bagong matutunan ang mga mag-aaral, pagtuntong sa panibagong yugto ng kanilang pag - aaral.

        Nagsagawa ng maikling programa ang Paaralang Elementarya ng Tanato sa pagbubukas ng klase, Hunyo 3, 2019 sa pangunguna ng guro para sa buwan na si Gng. Luningning E. Ruiz. Ito ay sinimulan sa pamamagitan ng isang flag ceremony, na sinundan sa pamamagitan ng isang maikli ngunit makahulugang panalangin, kasunod ang sabayang pag - awit ng “Lupang Hinirang”. Isang masiglang pagbati naman ang ibinigay ng punung - guro ng paaralan na si Gng. Eleonor G. Sioson para sa mga guro at bata, ganun din sa ilang mga magulang na masayang naghatid sa kanilang mga anak. Ipinakilala din niya ang mga guro mula kindergarten hanggang ikaanim na baitang. 

    
    Masaya at excited ang bawat isa sa pagbubukas ng klase. Bukod sa mga bagong matututunan ay bagong pakikipagkaibigan muli ang kanilang mararanasan at mga bagong guro na kanilang magiging pangalawang magulang sa paaralan.



CLUSTER SCHOOLS TRAINING ON CAMPUS JOURNALISM,  ISINAGAWA SA M.P CUADERNO
Ni : Ezra Gwen R. Atienza

        Nilahukan ng    limang (5) paaralan at sampung (10) School Paper Advisers sa isinagawa na Cluster Schools Training on Campus Journalism na ginanap sa Miguel P. Cuaderno Sr. Memorial Elementary School, noong Agosto 22- 23, 2019.

        Layunin  ng nasabing gawain na bigyan ng karagdagang kaalaman ang mga piling mag-aaral at school paper advisers tungkol sa iba’t ibang kategorya ng Campus Journalism.

        Tinalakay ni G. Bhee Jhay C. Layug  sa unang araw ng seminar—workshop ang Editorial Writing, Editorial Cartooning, Photo Journalism at Feature Writing. Bago matapos ang kanyang panayam, ipinakita niya ang pagkakahalintulad at pagkaka-iba ng News Writing, Feature Writing, at Editorial  Writing. Idinagdag din niya ang dapat isaalang- alang sa pagkuha ng mga larawan sa Photo Journalism.

        Sa ikalawang araw ng seminar - workshop, ipinaliwanag ni G. Yves Consunji ang mga salik na nakapaloob sa News Writing. Ibinahagi rin niya sa huling araw ang mga Sports - lingo na ginagamit sa Sports Writing. Sinabi niya na dapat ipakita ng isang Sports Writer ang mga “action” sa sports upang makuha ang interes ng mga mambabasa. 

        Nagtapos ang seminar-workshop bandang 5:00 ng hapon, pinarangalan ang mga nagwagi sa bawat kategorya.

        Ang punong-abala sa dalawang araw na Cluster Schools Training ay ang mga punong-guro ng District II ng City of Balanga. 



MRTD IMMUNIZATION PROGRAM, ISINAGAWA SA PAARALAN
Ni : Arjean Kate M. Causarin

        Lubos ang pasasalamat ng pamunuan ng paaralan at maging ng mga mag-aaral dahil sa ibat ibang programa at proyekto na isinasakatuparan upang bigyan ng pansin ang pangunahing kailangan ng bawat indibidwal, ang kalusugan at kaligtasan.

        MRTD Immunization Program para sa mga mag-aaral mula kindergarten hanggang Grade 6 ay isinagawa noong ika- 12 ng Setyembre sa Tanato AVR. Ang Kagawaran ng Kalusugan at Kagawaran ng Edukasyon ay nagsanib puwersa upang mailunsad ang malawakang pagpapabakuna. Ang City Health Unit ng City of Balanga ang nagsagawa nito sa mga mag-aaral sa Unang Baitang. 

        Naging matagumpay ang nasabing programa dahil na rin sa pakikiisa ng mga magulang, guro at punong - guro ng paaralan.

Comments